Madalas ang ulan sa lugar namin.Mula ng dumating ako para sa aking bakasyon,hindi ko akalain na parang nagluluksa ang langit at muli kung dinalaw ang lupang aking tinubuan..
Madaling araw ako ng dumating sa bayan.Mga ilang kilometro din ang layo mula sa mismong bahay namin.Ngunit palapit pa lang,tanda ko na.Bumubuhos na nun ang ulan.Naalimpungatan ako kasi kailangan ko ng bumaba alam ko.Nagdadalawang isip man ako subalit agad ko namang namukhaan ang paligid.Ang pamilyar na tanawin kahit pa madilim dahil nga sa ulan.
Pinilit kong magising kahit pa ang kaibigan kong tulog na tulog eh nagkukunwaring gising na kinakausap ako habang tinatanong ko kung kailangan ko na bang tumayo at bigyan ng senyas ang driver na ako ay baba,bago pa ako tuluyang lumagpas sa dapat na babaang lugar.
Naiinis man ako sa kaibigan ko at gusto kung asarin ay hinayaan ko na siya sa mahimbing nyang pagtulog.Sa bagay bago pa ang mga oras na yun eh nauna na ang pag-aasar ko sa kanya.Naroong kukuhanan ko siya habang natutulog at siyempre magigising siya dahil sa liwanag ng flash ng camera.O di kaya'y hahawiin ko ang kurtina sa tabi nya.Sa madaling sabi,nakonsenya nga ako...kahit papano..oo.
Ganun na nga,tama nga ako.Kaya kahit hindi na ako nakapagpaalam sa mga kasama ko ng maayos eh bumaba na ako ng sasakyan.Dala ang dalawang mabigat na bag,na kung puwede lang pagababa ko ay bakuran na ng bahay namin.Pero hindi.
Agad akong tumawag ng drayber ng tricycle.Unang-una dahil umuulan,pangalawa dahil mabigat ang mga bitbit kong bag.Mabilis namang may lumapit na mama.Nakahinga ako ng malalim at maluwag ng makaupo na ako sa loob ng tricycle.
Papuntang bahay ay miserable!Halos walang pinagkaiba ng dati..Pero okay na din kesa dati,malamang kung ngayon ay tulad noon na wala pang tulay,malamang sa malamang na hindi talaga ako magbabalak umuwi.Ngunit hindi nga,malamang na nakasakay ako ng mga oras na yun sa isang bangkang styro o dumadaan sa tulay ng pinagdikit na dalawang payat na kawayan habang bitbit ang dalawang bag na yun.Salamat na lang at hindi.
Hindi nga ganun ang bungad na eksena pauwi ng bahay.Oo may tulay na.Ngunit ang daan bago dumating ng tulay ay mistulang lupa na umaalon-alon.Akala mo'y nasa gitna ng dagat dumadaan ang sinasakyan kong tricycle.Kinilabutan ako,mistulang Daredevil talaga ang mga sandaling yun.Kulang na lang eh magkapalit kami ng posisyun ng drayber. Salamat na lang at hindi.
Pagdaan sa tulay ay natanaw ko ang malawak na ilog.Nabigla ako ng sobra at kinilabutan sa aking nakita.Pagkat ang dating lupa na kay layo ngayon ay bahagi na ng katawan ng ilog.
Naalala ko noon ang narinig kong kuwento ng mga matatanda,na ganun daw ang dating laki ng ilog.Mas nakapangingilabot ng maisip ko bigla na,pano kung yun na ang inabot ng mga matatanda na laki ng ilog.Pano kung ang mismomg lugar namin ay bahagi ng katawan ng ilog?
Nag-alala ako sapagkat dito nakatira ang aking pamilya,at halos lahat ng aking mga kamag-anak.At maging ang lahat ng aking mga alaala na kailanman ay hindi ko maipagpapalit saan mang lugar.Natakot ako pagkat ng nagdaan ay hindi na huminto ang ulan.Hindi ko alam kung galit ba sa akin ang langit at muli akong bumalik sa aming lugar.
Matagal na panahon na din ang lumipas mula ng magpatayo dito ng Tulay.Bago ito ay ilang tulay na din ang naipatayo,ngunit parang pagkain na nilalamon ito ng ilog.Tanaw pa mula sa bagong tulay ang bahagi ng mga tulay na ginawa dati.At bakas mula sa mga ito kung gaano kahaba ang inilaki ng katawan ng ilog.Habang pinagmamasdan,ay naalala ko ang hirap na tiniis namin noon.Ang hirap ng pagpunta sa bayan tuwing ganitong uulan ng malakas.
Matindi ang hirap sa tuwing ganitong maulan.Unang-una'y nahihiwalay kami sa bayan pagkat umaapaw ang agos ng ilog sa tulay,pangalawa'y kailangan mong gumawa ng sariling paraan upang makapasok sa school sa bayan.Naalala ko kung panong nabasa ng tubig ang aking sapatos,kung panong makipaagsiksikan sa truck na sasabayan namin patawid mula sa bayan pauwi.Naalala ko kung panong tumawid sa baha habang nababasa ang uniform mo.Naalala ko kung papaano ako nagpumilit at nagmakaawa sa aking sulat sa aming mayor na pagawan ang aming lugar ng isang tulay.Salamat at sa huli ay natugunan naman.
Sa bawat buhos ngayon ng ulan,na halos walang patid sa araw-araw.May pangamba pa din ako.Natatakot ako na baka muling lamunin ng ilog ang ngayong tulay na nagsisilbing dugtong ng aming lugar sa bayan.
No comments:
Post a Comment